pagbabago
Sabi nila walang permanente sa mundo; lahat nagbabago, lahat lumilipas, maliban na lang sa katotohanan na tanging ang pagbabago ang hindi nagbabago. Baguhin man nito ang buong mundo o ng lahat ng tao, ang pagbabago mismo ay hindi na mababago sapagkat manantili itong pagbabago at patuloy na magdudulot ng pagbabago. Ang bawat pagbabagong dulot ng pagbabago ay nagbubunga man ng iba’t ibang klase at baiting ng pagbabago pero isang bagay pa rin ang manantiling hindi nabago at ito ay ang pagbabago mismo.
Tulad halimbawa ngayon, halos walang nabago sa mga pinagsasabi o sinusulat ko dahil halos puro na lang titik na p-a-g-b-a-b-a-g-o ang nakikita niyo. Ngunit magkaganon pa man, ang bawat pangungusap na aking binibigkas, sa totoo lang ay nagbabago. Introduksyon ko lang ito.
Kani-kanina lang kasi habang inaayos ko ang mga gamit at mga nagkalat na libro sa kwarto, hindi ko maiwasang maagaw-pansin ng isang larawang kuha pa noong sanggol pa lamang ako. Isang larawang ipinapakita ang napaka-inosenteng mukha, malinis na kaluluwa, at hindi pa napapahiran ng dungis ng karumihan ng mundo. Maya’t maya lang ay namalayan ko na lang na pumapatak na pala ang luha sa aking mga mata. Ito ba ay luha ng kagalakan at kaligayahan? O luha ng kalungkutan at panghihinayang? Hindi ko alam….
Marami na ngang nabago. Ang dating mukha ng anghel ay ngayo’y mukhang dambuhalang halimaw na. Ang inosenteng mga mata ng sanggol ay punumpuno ng karunungan. Ang napakasimple niyang ngiti ay inilalarawan ang kagandahan ng sanlibutan. Ngunit ngayon, ngayon na malaki na ako at minsan ay hindi maiwasang magmayabang ng aking karunungan at kaalaman, mas lalo ko lang napapatunayan sa aking sarili na sa kabila pa rin ng lahat ay isa lamang akong ignoranteng nilalang na nagkukunwaring matayog ang kaalaman. Naisip ko, mabuti pa nga ang mga bata, walang kuwenta man sila kung ituring ng mga matatanda, at least mundo nila ay masaya, punumpuno ng pantasya. Pero bakit ganon? Ako rin naman ah, punum-puno ng pantasya, ng mga pangarap. Ngunit sa unang pagmulat ko pa lang ng aking mga mata ay binulag na ang aking paningin kung kaya’t kadiliman na lang ang aking nakikita. Biningi na agad ng mga katagang kahit aso ay hndi kayang lamunin, at ipagkait ang tunay kong pagkatao. Ni hindi ko alam kung ang isilang sa mundong ito ay biyaya o sumpa. May dapat nga ba akong ipagpasalamat sa pagkakaroon ng buhay? Kung tutuusin matagal na sana akong nagpakamatay. Pero hindi ko ginawa…at hindi ko rin ito kailanman magagawa sapagkat ang bawat araw na dumaraan ay katumbas na rin nito ang bawat araw kong kamatayan. Kailan nga ba ako nabuhay? Kailan pa ako nagkaroon ng buhay?Ganito na lang araw-araw, lumilipas ang panahon, nagbabago ang lahat ng nasa paligid, ngunit sa kabila ng lahat wala pa ring nababago…at iyan ay ang pabago-bagong anyo lamang ng kahirapan, ng pasakit, ng kalungkutan, ng kadiliman, ng kawalang-saysay ng buhay.
May nabago nga ba?
Siguro….
0 Comments:
Post a Comment
<< Home