hubad

ang dakong ito ay naglalaman ng mga sanaysay, maikling kwento at mga tulang produkto ng magulong puso at mapaglarong isipan ng isang kaluluwang ligaw...

Sunday, April 03, 2005

katotohanan?

Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?
Sa oras na ang tao’y isinilang, siya’y may karapatang mamatay
Ngunit hindi lahat may karapatang mabuhay ng matiwasay
Pagkat marami diyan na ang tingin at turing sa kapwa’y walang saysay.

Meron nga bang pinagkaiba and hayop sa tao?
Mabuti pa ang alaga kong aso, maamo
Samantalang ang tao masahol pa sa aso
Tao ngang naturingan, hindi naman nagpapakatao!

Mabuti pa ang alitaptap, munti ma’y sa dilim ay nagbibigay liwanag
Tulad ng mga bituin sa langit na sa gabi’y walang sawa kong minamatyag
Ngunit sa puso ng tao’y walang liwanag na mahagilap
Bakit pa may buhay kung ang lahat ay kahabag-habag?

Tayo ba’y makokontento na lang gumapang sa kadiliman?
At gagala-gala na lang sa karimlan?
Hindi maarok ng mapagtanong kong isipan
Kung anong ating kahihinatnan at saan ang patutunguhan.

Ano nga ba ang katotohanan?
Kailan ko ito malalaman?
Saan matatagpuan?

Ah, siguro nga’y ang katotohanan ay walang katotohanan
At ang kawalan ng katotohanan ay siyang katotohanan
Ang kahulugan ng buhay ay walang kabuluhan
At ang kawalang kabuluhan ng buhay ay siya nitong kahulugan
Bawat tanong ay may kasagutan
Ngunit bawat sagot ay may katanungan
Kung kaya’t habambuhay tayong maglalakbay sa kawalan

0 Comments:

Post a Comment

<< Home