hubad

ang dakong ito ay naglalaman ng mga sanaysay, maikling kwento at mga tulang produkto ng magulong puso at mapaglarong isipan ng isang kaluluwang ligaw...

Monday, May 09, 2005

banyaga

Lagi ka na lang nakasimangot
Mukha mo tuloy ay puro kulubot
Sa mga simpleng bagay ay nagyayamot
Ano bang nangyari at puso mo’y puno ng poot?

Minsan ngumingiti ka nga
kaso halata namang mapakla
Kitang-kita suot mong maskara
para kang walang buhay na kanta

Pasensya na ha, kung pakialamera ako
gusto ko lang namang makipag-kaibigan sa’yo
kaso hindi ka naman nakikinig sa mga sinasabi ko
pinagwawalang-bahala mo lang ako

Matagal na nga sana kitang iniwan
Ngunit hindi ko magawa-gawa, haaay…ewan
Mapagaan manlang bigat ng loob mong pasan-pasan
Daig ko pa ang nanunungkit sa buwan

Puso mo’y sugatan, hindi mo maitatago
bihag ka pa rin ng bangungot ng nakaraan mo
Gayunpama’y nandito lang ako lagi sa tabi mo
Sasamahan at gagabayan kita, pangako

…pagkat ikaw

ay walang iba kundi ako…

Sunday, May 01, 2005

ngunit...

Pagod na sa ingay ng katahimikan
ngunit bakit ang hirap magsalita?
Pagod na sa buhay na puno ng kalungkutan
ngunit bakit ang hirap maging masaya?
Nais ipakita totoo kong mukha kaninuman
ngunit hanggang ngayon nagsusuot pa rin ng maskara
Mapait na karanasan pilit kinakalimutan
ngunit sa nakaraan hindi pa rin lumalaya.