Thursday, June 01, 2006
Saturday, March 04, 2006
pagbabago
Sabi nila walang permanente sa mundo; lahat nagbabago, lahat lumilipas, maliban na lang sa katotohanan na tanging ang pagbabago ang hindi nagbabago. Baguhin man nito ang buong mundo o ng lahat ng tao, ang pagbabago mismo ay hindi na mababago sapagkat manantili itong pagbabago at patuloy na magdudulot ng pagbabago. Ang bawat pagbabagong dulot ng pagbabago ay nagbubunga man ng iba’t ibang klase at baiting ng pagbabago pero isang bagay pa rin ang manantiling hindi nabago at ito ay ang pagbabago mismo.
Tulad halimbawa ngayon, halos walang nabago sa mga pinagsasabi o sinusulat ko dahil halos puro na lang titik na p-a-g-b-a-b-a-g-o ang nakikita niyo. Ngunit magkaganon pa man, ang bawat pangungusap na aking binibigkas, sa totoo lang ay nagbabago. Introduksyon ko lang ito.
Kani-kanina lang kasi habang inaayos ko ang mga gamit at mga nagkalat na libro sa kwarto, hindi ko maiwasang maagaw-pansin ng isang larawang kuha pa noong sanggol pa lamang ako. Isang larawang ipinapakita ang napaka-inosenteng mukha, malinis na kaluluwa, at hindi pa napapahiran ng dungis ng karumihan ng mundo. Maya’t maya lang ay namalayan ko na lang na pumapatak na pala ang luha sa aking mga mata. Ito ba ay luha ng kagalakan at kaligayahan? O luha ng kalungkutan at panghihinayang? Hindi ko alam….
Marami na ngang nabago. Ang dating mukha ng anghel ay ngayo’y mukhang dambuhalang halimaw na. Ang inosenteng mga mata ng sanggol ay punumpuno ng karunungan. Ang napakasimple niyang ngiti ay inilalarawan ang kagandahan ng sanlibutan. Ngunit ngayon, ngayon na malaki na ako at minsan ay hindi maiwasang magmayabang ng aking karunungan at kaalaman, mas lalo ko lang napapatunayan sa aking sarili na sa kabila pa rin ng lahat ay isa lamang akong ignoranteng nilalang na nagkukunwaring matayog ang kaalaman. Naisip ko, mabuti pa nga ang mga bata, walang kuwenta man sila kung ituring ng mga matatanda, at least mundo nila ay masaya, punumpuno ng pantasya. Pero bakit ganon? Ako rin naman ah, punum-puno ng pantasya, ng mga pangarap. Ngunit sa unang pagmulat ko pa lang ng aking mga mata ay binulag na ang aking paningin kung kaya’t kadiliman na lang ang aking nakikita. Biningi na agad ng mga katagang kahit aso ay hndi kayang lamunin, at ipagkait ang tunay kong pagkatao. Ni hindi ko alam kung ang isilang sa mundong ito ay biyaya o sumpa. May dapat nga ba akong ipagpasalamat sa pagkakaroon ng buhay? Kung tutuusin matagal na sana akong nagpakamatay. Pero hindi ko ginawa…at hindi ko rin ito kailanman magagawa sapagkat ang bawat araw na dumaraan ay katumbas na rin nito ang bawat araw kong kamatayan. Kailan nga ba ako nabuhay? Kailan pa ako nagkaroon ng buhay?Ganito na lang araw-araw, lumilipas ang panahon, nagbabago ang lahat ng nasa paligid, ngunit sa kabila ng lahat wala pa ring nababago…at iyan ay ang pabago-bagong anyo lamang ng kahirapan, ng pasakit, ng kalungkutan, ng kadiliman, ng kawalang-saysay ng buhay.
May nabago nga ba?
Siguro….
Wednesday, November 02, 2005
gamitan
Kung sa tingin mo’y may silbi ako,
Ako’y gamitin mo;
Gamitin mo ang utak at natitirang lakas ko.
Hahayan kong maging sunud-sunuran na lang sa’yo,
At parang walang isip na bubuntot-buntot sa likod mo;
Sa umpisa lang naman yan, kakalas din ako.
Sa oras na naging matatag na ang pondasyon ko,
Hindi ko na kailangang kumapit na parang tuko.
Sige lang gamitin mo ako
At gagamitin din kita sa pag-angat ko.
Siguro nga’y social climber ako
Ngunit nakikinabang ka rin naman sa’kin ng husto.
Tanggapin na natin wala na ngayong libre sa mundo,
Nag-uutakan na lang ang mga tao;
Naggagamitan na lang tayo!
Thursday, June 02, 2005
matulog ka na
Nakatingala sa kisame
kinakausap mga butiki
Ang dami mong sinasabi
wala namang sumasagot sa ere
Sa tingin mo pinapakinggan ka?
O naiintindihan ka kaya?
Pero hindi na ‘yon mahalaga
wala ka rin namang ibang kasama kundi sila
Magbilang ka na lang ulit ng tupa
hanggang sa maidlip ka
Pero habang walang ginagawa
Kausapin mo na lang din kaya sila?
Isang araw na naman ang lumipas, dumaan
at magiging bahagi na lang ng nakaraan
Bukas maglalakbay na naman
Hindi alam patungo kung saan
Ganyan lang naman ang buhay
walang kabuluhan, walang saysay
Matatapos din ang paglalakbay
Subukan na lang mamuhay ng matiwasay
habang kamatayan ay hinihintay
Monday, May 09, 2005
banyaga
Lagi ka na lang nakasimangot
Mukha mo tuloy ay puro kulubot
Sa mga simpleng bagay ay nagyayamot
Ano bang nangyari at puso mo’y puno ng poot?
Minsan ngumingiti ka nga
kaso halata namang mapakla
Kitang-kita suot mong maskara
para kang walang buhay na kanta
Pasensya na ha, kung pakialamera ako
gusto ko lang namang makipag-kaibigan sa’yo
kaso hindi ka naman nakikinig sa mga sinasabi ko
pinagwawalang-bahala mo lang ako
Matagal na nga sana kitang iniwan
Ngunit hindi ko magawa-gawa, haaay…ewan
Mapagaan manlang bigat ng loob mong pasan-pasan
Daig ko pa ang nanunungkit sa buwan
Puso mo’y sugatan, hindi mo maitatago
bihag ka pa rin ng bangungot ng nakaraan mo
Gayunpama’y nandito lang ako lagi sa tabi mo
Sasamahan at gagabayan kita, pangako
…pagkat ikaw
ay walang iba kundi ako…
Sunday, May 01, 2005
ngunit...
Pagod na sa ingay ng katahimikan
ngunit bakit ang hirap magsalita?
Pagod na sa buhay na puno ng kalungkutan
ngunit bakit ang hirap maging masaya?
Nais ipakita totoo kong mukha kaninuman
ngunit hanggang ngayon nagsusuot pa rin ng maskara
Mapait na karanasan pilit kinakalimutan
ngunit sa nakaraan hindi pa rin lumalaya.
Sunday, April 03, 2005
katotohanan?
Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?
Sa oras na ang tao’y isinilang, siya’y may karapatang mamatay
Ngunit hindi lahat may karapatang mabuhay ng matiwasay
Pagkat marami diyan na ang tingin at turing sa kapwa’y walang saysay.
Meron nga bang pinagkaiba and hayop sa tao?
Mabuti pa ang alaga kong aso, maamo
Samantalang ang tao masahol pa sa aso
Tao ngang naturingan, hindi naman nagpapakatao!
Mabuti pa ang alitaptap, munti ma’y sa dilim ay nagbibigay liwanag
Tulad ng mga bituin sa langit na sa gabi’y walang sawa kong minamatyag
Ngunit sa puso ng tao’y walang liwanag na mahagilap
Bakit pa may buhay kung ang lahat ay kahabag-habag?
Tayo ba’y makokontento na lang gumapang sa kadiliman?
At gagala-gala na lang sa karimlan?
Hindi maarok ng mapagtanong kong isipan
Kung anong ating kahihinatnan at saan ang patutunguhan.
Ano nga ba ang katotohanan?
Kailan ko ito malalaman?
Saan matatagpuan?
Ah, siguro nga’y ang katotohanan ay walang katotohanan
At ang kawalan ng katotohanan ay siyang katotohanan
Ang kahulugan ng buhay ay walang kabuluhan
At ang kawalang kabuluhan ng buhay ay siya nitong kahulugan
Bawat tanong ay may kasagutan
Ngunit bawat sagot ay may katanungan
Kung kaya’t habambuhay tayong maglalakbay sa kawalan